Friday, April 4, 2014

Ama, Sabi Niyo Po

Ama, sabi Niyo po, kami'y maging mapagpasensiya, matiisin, maunawain, mapagbigay, at mapagmahal sa aming kapwa. Na kahit po kami'y nalalamangan o nadedehado, minamaliit o inaalipusta, iabot pa rin namin ng buong puso ang tinapay sa sanlibutang itinuturing kaming kaaway, sa mundong unang nagbuhat ng kamay para kami ay pasakitan.
 
Mahigpit Nyo pong bilin na mahalin namin ang aming kapwa kagaya ng pagmamahal namin sa aming sarili. Alam ko po, di kami dapat nanghuhusga dahil walang sino man sa amin ang tunay na may karapatan. Tanging kayo lamang ang makakapagbigay ng tunay at tamang hatol sa aming bawat gawa.
 
Kaya Ama, ipinagpapasalamat ko po ang pag-ibig at banal na espiritu Nyo na ipinagkaloob sa amin. Sa tulong nito, nagagawa po naming mabuhay bilang inyong tunay na mga anak. Na kahit po sa paningin ng mundong ito, kami'y kaawaawa o talunan, wala po kaming pakiaalam, dahil naniniwala po ako na mas pinapaburan Nyo po ang mga mapagkumbaba higit sa lahat.
 
Nakikita Nyo po ang bawat paghihirap at pagtitiis namin. Pero Ama, naniniwala din po ako na kapag kailangan na po naming tumayo, magsalita at maninidigan ng naaayon sa Iyong kagustuhan, kami po ay inyong dedepensahan at  hindi iiwan.
 
Ama, aking idinadalangin ang gabay ng Inyong banal na espiritu sa bawat aspeto ng aming buhay. Malaman po sana namin ang tamang desisyon sa bawat bingit ng dalawang pangangatwiran. Tulungan Nyo po kaming maging katulad ni Hesus, sa bawat salita, sa isip at sa gawa. Ipinagpapasalamat ko po ang ganitong mga pagkakataon kung saan mas nagiging malapit po ako sa Inyo. Ang lahat po ng ito ay aking idinadalangin nang may kalakip na pagmamahal, sa pangalan ng aking panginoon, Kristo Hesus, Amen.

0 comments:

Post a Comment